It’s once again the time of the year when I clear my archives from not-so-interesting articles. Then I found this story that I have written about a year ago and I thought, this just can’t go to the recycle bin yet, so I might as well post it here for people who’d be interested to read (siguro yung matitiyaga lang magbabasa nito. haha). The original article is longer so I re-edited it to make it a little shorter. Read on!

2007_bridge_to_terabithia_004

May usapan kami na tuwing Sabado, sa ganap na alas tres ng hapon ay magkikita kami sa ilalim ng puno ng santol sa burol malapit sa bahay ni Mang Berting. Dito ay magkukuwentuhan kami nang walang humpay at buong giliw hanggang sa manuyo ang aming mga labi.

Kadalasan ay nauuna akong dumating kaysa sa kanya sapagkat mas malayo ang bahay niya sa amin, ngunit sa pagkakataong ito ay nauna siya. Himala.

“Nadaanan kasi ako ni Tito nang papunta ako rito kaya pinasakay niya ako sa kanyang motorsiklo,” ngumiti siya  habang nakita niya akong paparating.

Umupo ako sa tabi niya, sa ilalim ng puno ng santol at sumandal sa magaspang na kahoy. Tumingin siya sa akin at ibinalik ko ang tingin sa kanya. Hinawakan niya ang aking kanang kamay at nagbugkos ang aming mga daliri hanggang sa ito’y maging isa.

Sabi nila, masyado pa raw kaming bata para sa ganito. Para sa pag-ibig. Ang sabi ko naman, anong masama kung kaming dalawa’y umiibig sa isa’t isa? Grade Five na kami, malaki na ang kinaibahan sa pagiging bata. Hindi ko rin naman itinuturing na bata pa ang aming mga sarili para sa ganitong bagay. Ganoon rin naman siya.

“Saan tayo magpapakasal?” Tanong niya.

Nagulat ako sa kanyang sinabi. Sigurado ka ba?

“Doon tayo magpapakasal sa simbahan ng San Felipe. Masungit kasi ang pari dito sa atin. Gusto ko kasi masaya ang kasalan at walang masungit na pari ang makasisira noon.”

Tumango siya at ngumiting muli. Tila nagiging likido na ang buo kong katawan sa ngiting iyon. Masyadong nakakatunaw.

Umihip ang hangin at saglit siyang napaidlip. Nilipad-lipad ng hangin ang mahaba niyang buhok kahit pa ito’y tinalian niya. Nanatiling magkahawak ang aming mga kamay at doon sa ilalim ng puno ng santol, unti-unti naming iginuhit ang aming mga pangarap.

***

Mag-aalas syete na nang matapos ang aming pagtatagpo. Inihatid ko siya sa kanila bago ako umuwi. Mga alas otso na yata nang ganap akong makauwi sa aming bahay.

“Anong oras na Arnel? Bakit ngayon ka lang? Tapos na kaming kumain a!” Ang galit na sermon ni Nanay.

“Syempre, nakipagkita na naman ‘yan dun sa nobya niyang si Arlisa,” sumbong ni Ate.

“Kay bata-bata mo pa, marunong ka nang magnobya! Hala, maglinis ka na ng katawan mo’t kakain pa!”

Binigyan ko ng napakatalas na tingin si Ate.

“Pasalamat ka hindi ko pa sinusumbong yung sa inyo ni Kuya Martin,” banta ko sa kanya.

Si Kuya Martin yung sakristan na kasintahan ni Ate. Bawal pa raw kasing magnobyo si Ate at hindi pa raw siya nakakatapos ng pag-aaral kaya nang malaman ko mula sa kapatid ni Kuya Martin na sila na ni Ate, nabawasan ang pang-aaway nito sa akin sa takot na isumbong ko siya kay Nanay.

Kumakain pa lamang ako nang biglang dumating si Tatay, lasing na lasing, pasuray-suray at halos hindi na makalakad sa sobrang kalasingan. Saka namang sabog ng boses ni Nanay sa pagsesermon kay Tatay. Palagi silang ganito. Kapag nagsimula na ang pagputok ng bulkan, magtatago na kami ni Ate sa kweba. Hinihintay ang pagtila ng ulan at pagtigil ng pagyanig ng lupa. Ganito halos ang eksena sa aming bahay. Naiisip ko tuloy, sa bawat pag-aaway nina Tatay at Nanay, mahal parin kaya nila ang isa’t-isa?

***

Kung ano’ng saya ko kapag magkasama kami ni Arlisa ay siya namang lungkot kapag umuuwi ako ng bahay. Hindi lamang dahil hindi ko siya nakikita kundi dahil palaging may kalamidad sa amin.

Pagkadating kasi ni Tatay, lasing man o hindi ay hindi maaaring hindi sila magtalo ni Nanay. Marami silang hindi pinagkakasunduan. Sa pera, sa oras ng pag-uwi ni Tatay, sa masyadong pagbubunganga ni Nanay, sa pambabae umano ni Tatay at marami pa. Hindi na yata matatapos ang listahan ng mga bagay na hindi nila pinagkakaunawaan.

Kung kami man ay ikasal na, sisiguraduhin kong hindi ito mangyayari sa amin. Magiging tapat akong asawa. Hindi ko siya aawayin at palagi kaming magiging masaya. Pangako ‘yan.

Kinaumagahan ay maaga akong ginising ni Nanay upang utusang mamalengke sa bayan. Bata pa lang kami ay sinanay na kaming mamili mag-isa kaya’t ako na kadalasan ang namimili ng lulutuin ni Nanay.

Mag-aalas diyes na ng umaga nang sa wakas ay makalabas na ako sa maingay na palengke, at sa bukana’y ‘di ko inaasahang magkikita kami.

“Arnel, narito ka pala. Namalengke ka ba?”

“Magandang umaga Arlisa, oo, napag-utusan lang,” mahiyain kong sagot.

“Ma, Pa, ito nga pala si Arnel…,” ang wika niya.

“…kaklase ko po.”

Natunaw bigla ang ngiti sa aking mukha. Kaklase niya lamang ako sa harap ng iyong mga magulang.

“Sige Arnel, aalis na kami,” ang pahuli niyang sabi at sila’y naglakad nang papaalis.

Marahil ay ayaw lamang mapagalitan ni Arlisa kaya hindi niya sinabi na ako ang kanyang kasintahan sa harap ng kanyang mga magulang. Marahil nga ay pareho sila ng sitwasyon ni Ate, at ako ay kagaya rin ni Kuya Martin. Marahil ay ganun nga.

Magtatanghali na nang makarating ako sa bahay. Pagpasok ko ay tumambad sa akin si Tatay na nakaupo sa pintuan. Blangko ang kanyang mukha at hindi ako pinansin. Pagpasok ko ay naroon si Ate sa sala, tumingin siya sa akin at nakita kong puno ng pag-aalala ang kanyang mukha.

Sa kwarto naman ay naririnig ko ang hikbi ni Nanay. Nag-away na naman sila marahil. Maaga pa, ganito na kaagad ang eksena.

Pumasok ako sa kwarto at nakita ko si Nanay na mabilis na inuubos ang laman ng kanyang tukador at isinisilid ang kanyang mga damit sa isang malaking maleta.

“Kumuha ka na rin ng isa pang maleta at mag-impake ka na ng mga gamit mo,” utos ni Nanay.

“Saan tayo pupunta?”

“Sa Lola mo, doon na lamang tayo at hindi ko na matiis ‘yang tatay mo. Doon na muna tayo titira at doon na rin muna kayo mag-aaral ng Ate mo,” mukhang umabot na nga sa sukdulan ang problema nila ni tatay.

“Ayoko d’on! Ayokong umalis Nay!”

“Pwes, maiwan ka rito! Maiwan ka kasama niyang walang kwenta mong Tatay!” Pasigaw niyang sabi habang tumutulo ang kanyang luha.

“Hindi ako aalis dito kahit ano pa’ng gawin mo!” Ang mariin kong pagtutol.

“Ano’ng dahilan mo? ‘Yang nobya mo? Makipaghiwalay ka na riyan! Kay bata-bata niyo pa, marunong na kayo ng mga ganyan! Ano’ng alam mo riyan?”

Nagdilim ang aking paningin hanggang sa masumbat ko ang hindi dapat.

“Oo bata pa nga ako, pero parang mas may alam pa nga yata ako kaysa sa inyo! Ang tanda niyo na, hindi pa rin kayo makapagsama nang maayos!”

Pakiramdam ko ay gumuho ang aking mundo sa mga nangyari. Sumikip ang aking dibdib. Malayo ang bahay ni Lola. Kapag lumipat ako doon ay hindi ko na makikita si Arlisa. Hindi na matutuloy ang mga balak namin ‘pag nagkataon.

Tumakbo ako palabas at humangos patungo sa kalsada. Ayaw kong mahiwalay sa kanya at sigurado akong ayaw niya rin kaming magkahiwalay. Gayunpaman, hindi ko dapat sayangin ang oras.

Narating ko ang bahay ni Arlisa nang hindi ko namamalayan. Naroon siya sa tapat ng kanilang geyt at nakikipaglaro sa kanilang kapitbahay nang makita niya ako.

“Arnel? Ano’ng ginagawa mo rito? Tara sali ka sa amin, maglaro tayo.”

Kinuha ko ang kanyang kamay at hinawakan ito nang mahigpit.

“Umalis na tayo rito,” utos ko.

“Ha? Ano’ng aalis? Saan tayo pupunta?” Tanong niya.

“Gusto ni nanay na lumipat na kami ng Leyte, malayo ‘yon. Ayaw kong sumama. Umalis na lang tayo.”

“Sandali, bakit? Saan naman tayo pupunta kung aalis tayo?”

“Bahala na, basta hindi niya ako maisasama sa Leyte!”

Tinanggal niya ang kanyang kamay sa aking pagkakahawak.

“Hindi pwede. Ang babata pa natin, pagagalitan ako ng Mama ko.”

Hindi niya nagustuhan ang aking balak.

“Bumalik ka na sa inyo, mag-ingat na lang kayo sa byahe.”

Sabay atras at dali-dali siyang pumasok ng bahay. Nabigo ako.

Doon ko na lamang pinalipas ang aking oras sa dati naming tagpuan. Doon ay sinariwa ko na lamang ang maliligayang sandali naming dalawa. Binigo ako ni Arlisa. Marahil ay hindi niya ako ganoon kamahal kagaya ng pagmamahal ko sa kanya. Hindi ko na alam kung kailan ulit kami magkikita ngunit sigurado akong matagal pa iyon.

Pagdating ko ng bahay ay nakapatay na ang mga ilaw.  Tulog na marahil ang lahat.

Pagpasok ko’y naroon pala si Nanay sa bintana, tahimik na nakamasid sa labas at humihithit ng sigarilyo habang bahagyang humihikbi. Namumugto na ang kanyang mata sa kaiiyak.

Kinuha ko ang isa niyang kamay at nagmano.

Tahimik lamang akong naupo sa tabi niya at minasdan ang ngayo’y tahimik na kalye. Gusto kong humingi ng paumanhin sa mga nasabi ko kay Nanay.

“Akala ko dati, sasaya ako sa Tatay mo, sa una lang pala.”

Hindi ko alam kung ano ang aking isasagot. Patuloy akong nakinig.

“Dapat pala ay nakinig na lamang ako sa Lola mo, hindi na lamang pala dapat ako nag-asawa kaagad. O ‘di kaya ay hinintay ko na lamang na matapos kami ng pag-aaral.”

Ramdam ko ang pagsisisi sa kanyang tinig.

“Tama ka, anak,” hinawakan niya ang aking balikat.

“Parang mas may alam ka pa kaysa sa akin. Ito na siguro ang epekto ng pagpapadala ko sa mura kong isip dati. Hindi ako nag-isip nang mabuti bago ako sumama sa Tatay mo.”

Hindi ako makapaniwalang inaamin ngayon ni Nanay ang kanyang pagkakamali.

“Sorry anak ha, masyado ko kayong pinaghihigpitan ng Ate mo, ayaw ko lamang kasi na matulad kayo sa amin ng Tatay mo. Ayaw kong mauwi din kayo sa ganitong buhay. Gusto ko ay pag-isipan niyong mabuti ang lahat ng gagawin ninyo at hindi dapat kayo nagpapadala sa bugso ng damdamin lang,” paliwanag niya habang nag-uunahang tumulo ang kanyang luha sa magkabilang pisngi.

“Ayaw kong matulad kayo sa akin.”

Nagsimulang humagulgol si Nanay habang sumabay naman ang pagbuhos muli ng malakas na ulan. Niyakap ko na lamang siya at inalo nang maibsan ang kanyang kalungkutan.

Tama rin si Nanay, tama rin si Arlisa. Masyado pa nga akong bata. Hindi sapat na dahilan ang nararamdaman upang gawin ang mga bagay na akala ko’y tama. Dapat ay samahan din ito ng matinding pag-iisip at karanasan, at sa ganitong panahon, kulang pa ako no’n.

Kailangan kong matuto mula kay Nanay at siguraduhing hindi ito mangyayari sa akin.

Bukas na bukas din ay mag-iimpake na ako.