by Allen Yuarata
edited by Joanna Paula Cailas (READ Magazine Contributor)
Napakalamig ng gabi at ramdam ko ang ginaw ng hanging habagat. Tahimik na sa aming bahay kaya’t naririnig ko ang tunog ng sound system mula sa plaza ng barrio. Piyesta kasi noon, gusto kong pumunta at magbayle, nakikipagsiksikan sa mga nagsasayawan habang kumakain ng paborito kong cotton candy sa ilalim ng samu’t-saring kulay ng mga ilaw… Pero hindi oras ng pagsasaya. Hindi para sa aming pamilya.
“Bong! Bong!”
Bigla akong nagising, may umuuga sa akin at pupungas-pungas akong bumangon.
“Ano ‘yon, Ate Ver?” tanong ko sa kasambahay naming si Ate Veronica.
“Ang tatay mo, narito na!”
“Talaga? Nasaan siya?” nananabik kong tanong.
Dala ng kabataan, hindi ko pa masyadong nawari kung bakit umuwi na si Tatay. Narinig ko ang ugong ng paghinto ng sasakyan kaya dali-dali akong tumungo palabas. Nasa pinto na si kuya at ate at nang marating ko sila’y sumalubong sa akin si Lolang naghihinagpis, kasunod ang isang ataul na tangan-tangan nina Lolo at Tito Emi. Sa likuran, ang humahagulgol na si Nanay, bakas sa mukha ang matinding pagkapagod at panghihina. Lumapit siya sa amin ni kuya at ate at niyapos kami ng pagkahigpit-higpit.
“Ang tatay niyo, ang tatay niyo!” tangi niyang nasambit.
Pagkuwa’y nagsimula nang tumulo ang aking mga luha at tumuloy na sa pagpalahaw habang pinagmamasdan si Tatay sa loob ng makitid na kabaong. Parang kailan lang at masaya pa kaming nagkukuwentuhan sa kanyang silid sa Makati Medical Center. Masaya naming pinagmamasdan ang kanyang dextrose. Malala raw ang kanyang lymphoma, pero wala sa aking murang isip iyon, isa lamang sa mga maraming abala ng mga nakatatanda na walang importansya para sakin. Minsan nga nang matapos ang kanyang chemo therapy, nagdiliryo na si Tatay at pinagdiskitahan ang kanyang dextrose. Dala na siguro iyon ng mahina niyang pangangatawan kaya’t unti-unting nang naapektuhan ang kanyang pag-iisip.
“’Nak, ipatanggal mo nga ‘yang goldfish sa dextrose ko. Ayan oh, lumalangoy pa,” utos niya.
Napatingin ako kay Nanay na noo’y nasa sulok ng kuwarto at nagtitimpla ng kape. Nakangiti siya sa akin at natawa na lamang ako kay Tatay habang siya nama’y kumbinsidong may lumalangoy na isda sa loob ng kanyang dextrose. Iyon na siguro ang huling sandaling nagkatawanan kaming magpamilya. Ngayo’y pagdadalamhati na.
Puno ng pagtangis ang buong bahay nang mga oras na iyon. Hindi ko na nararamdaman ang lamig ng madaling-araw. Si Nanay ay nakaupo lamang sa tabi ng kabaong at nakatitig sa walang buhay na mukha ni Tatay. Maya-maya pa’y;
“Buhay siya! Buhay siya! Lumuluha pa siya!”
Dumungaw naman nga si Tito at umiling na lamang.
“’Di na siya aabot , Ate, kahit ibalik pa natin ang life support , wala na tayong magagawa.”
Lumakas lang ang paghagulgol ni Nanay. Di nagtagal ay sumunod na rin kaming lahat. Wala na nga si Tatay.
Hindi kailanamn mabagal ang usad ng balita sa probinsya; kinaumagahan ay dumagsa ang mga nakiramay. Mga respetadong guro sa Patria National School sila Nanay at Tatay kaya karamihan sa mga unang pumunta ay mga kapwa guro at ang kanilang mga estudyante.
Patungong tanghali nang ihatid ang bagong kabaong ni Tatay. Mas malaki na iyon at lubhang mas maganda kumpara sa pansamantala niyang ataul.
Kasamang dumating ang baliw na si Kalis.
Sikat siya sa amin, isang matandang hukluban na tila may radar sa lamay at nakikitira sa namatayan hanggang sa libing. Sabi ng lola ko, Calixto raw ang tunay niyang pangalan. Isa raw siyang Amerikanong nabaliw sa giyera at simula noo’y pinabayaan na ng pamilya na nauwi sa pagpapalaboy sa kalsada. Isa raw siyang Amerikanong nabaliw sa giyera, pinabayaan ng pamilya kaya naging palaboy.
Kinatatakutan sa amin si Kalis sapagkat nagiging bayolente siya tuwing tinutukso ng “sako.” Noon daw kasi, pinagbintangan siyang naghulog sa tulay ng isang batang isinilid niya sa sako. Marinig niya lamang ang salitang iyon, dumadampot siya ng bato at hinahagis iyon sa lahat ng makita niya. Dali-dali kaming nagtatagong mga bata kapag paraan siya.
Halos hindi ako pumasok ng bahay nang malaman kong dumating pala si Kalis. Dahil na rin siguro sa mura kong edad kaya ganoon na lamang ang takot ko sa baliw. At hindi nakapagtataka. Lubhang nakagigimbal ang kanyang itsura. Kulu-kulubot ang mukha at gula-gulanit ang damit. Doon siya pumuwesto sa may sulok na malapit sa pintuan, nagsasalita nang mag-isa.
“Hindi naman ‘yan nang-aano kung hindi rin tinutukso,” paliwanag ni Lola.
Ayaw ko siyang paniwalaan. Magtitiwala ka ba sa baliw lalo na nananakit? Sabi ng mga kaibigan ko, palagi raw nagwawala si Kalis sa halos lahat ng mga burol ng kanyang dinaluhan, pinagbububuwal ang mga bangko at lamesa ng mga pasugalan, humihiyaw.
“Noong lamay nga ni Tiyo Antonio, tinapon niya yung pagkaing binigay ni Mama sa kanya, tapos pinagbabato sa kabaong ni Tiyo ang mga pitsa ng mah jong,” kuwento ng isa kong kaibigan. Kaya naman labis ang pangamba kong manggulo rin siya sa lamay ni Tatay. Ayaw kong mangyari iyon.
“Bakit hindi na lang natin siya paalisin?” tanong ko kay Nanay isang araw.
“Hindi ganoon kadali ‘yon. Babalik pa rin ‘yan dito. Alam mo namang walang pamilya na magbabawal diyan. Tsaka tradisyon na rin si Kalis sa halos lahat ng lamay dito,” paliwanag niya.
Ilang araw ang lumipas at, sa awa ng Diyos, hindi pa naman nanggulo si Kalis. Tuwing daraan ako sa tapat niya, halos tumakbo ako sa takot na baka bigla niya akong dakmain. Minsan nama’y hindi ko na lamang ginagamit ang pintong iyon kundi ang sa kusina sa likod-bahay para maiwasan ng nakakatakot na baliw.
Nang dumating na Linggo’y maagang gumising ang buong bahay para magsimba. Ito ang una naming pagsimbang nagdadalamhati. Noong huli’y buo kaming mag-anak na tumutungo sa simbahan at nagmamano kay Fr. Pio at paglabas ay namamakyaw ng paborito naming bibingka…
Gising na rin si Kalis nang oras na iyon at mahinang kinakausap ang sarili sa kanyang upuan. Narinig kong umaandar na ang aming sasakyan kaya’t hindi ko na nagawa pang dumaan sa kusina. Hindi ko na naisip ang pagdaan sa tapat ni Kalis dahil sa labis kong pagmamadali.
“Hintayin niyo ako!” malakas kong sigaw.
Maaabot ko na sana ang pinto nang biglang may humablot ng aking braso. Lumingon ako at nakitang kamay ni Kalis ang pumipigil sa akin. Biglang lumundag sa takot ang aking puso. Yinapos niya ako ng pagkahigpit-higpit. Pilit akong nagpumiglas ngunit walang laban ang maliit kong katawan. Naaamoy ko ang matanda niyang balat at mabahong hininga. Sumigaw ako ng napakalakas upang masaklolohan. Nagsalita si Kalis.
“Ay ang apo kong ito.” Sabay ngiti sa akin.
Nabigla ako sa inusal niyang iyon kaya’t hindi na ako pumalag pa. Pagkuwa’y dumating na rin si Lola at nakita ang ginagawa sa akin ni Kalis. Napangiti na lamang siya at sumunod naman ang baliw. Naiilang man ay pinilit kong makingiti na rin habang niyayakap at inaalo ng baliw.
Dahil sa pangyayaring iyon, nagbago ang pagtingin ko kay Kalis. Nawala na ang dati’y matinding takot ko sa kanya. Hindi na rin ako dumadaan sa kusina kundi doon na mismo sa harap niya sabay bati sa kanya kahit pa hindi niya naiintindihan ang mga sinasabi ko. Tahimik lamang siyang nakaupo sa sulok.
Nang mailibing na si Tatay, umalis na rin si Kalis. Marahil ay magpapalaboy-laboy na naman siya sa daan o kaya’y nasa ibang lamay na naman. Naisip ko tuloy, pinapakain kaya siya roon? May bata rin kaya siyang niyayakap at itinuturing na apo? Nagkaroon ako ng pakialam sa kanyang kalagayan.
Ngunit hindi pa nag-iisang linggo simula nang libing ni Tatay ay bumalik si Kalis sa bahay. Takang-taka kami noong araw na iyon.
“Nonoy Kalis, wala nang patay dito. Inilibing na,” marahang wika ni Lola.
Hindi kumibo si Kalis. Sa halip, binuksan niya ang maliit niyang sako na marahil ay tangan-tangan niya sa lahat ng kanyang paglalakbay, at naglabas ng dalawang supot ng tinapay. Pailing-iling niya itong iniabot sa amin ni kuya at agad na umalis, nag-iwan ng ngiti sa aming mga labi.
Dahil sa wala na si Tatay, napilitan kaming lumipat sa mas maliit na bahay sa bayan. Inilipat na rin ako ni Nanay sa Pandan Central School kung saan karamihan ay mga matatalino. Kaya nga ganoon na lamang ang panenermon niya sa akin nang hindi ako nasali sa honor list sa ika-limang baitang. Dahil din sa panibago kong komunidad, ‘di ko naiwasang bumukod sa mga bago kong kaklase. Lalo pa nang marinig kong pinag-uusapan nila ako.
”Sino ba ‘yung bagong lipat?”
“Taga-barrio raw ‘yon. Ang payat no?”
“Baka hindi pinapakain ng nanay niya.”
Pakiramdam ko noo’y tila umakyat lahat ng init sa aking katawan sa aking ulo. Lumabas ako sa aking pagkakakubli. Napatingin sila sa akin, halatang nag-iisip kung narinig ko ba ang pinag-usapan nila. Nagdilim ang aking paningin at hindi ko na namalayan ang aking ginawa. Tanging ang mga sigawan na lamang nila ang aking naulinigan, kanilang mga kalmot na lamang ang aking naramdaman. Huli na nang mapansin kong nasaktan ko na pala sila at lalong huli na nang malaman ko ang aking kamalian. Tumambad na sa akin ang napakalaking mukha ng prinsipal.
“Hindi ka na rumespeto! Mga babaeng walang kalaban-laban, pinagsasaktan mo!” sermon niya.
“Eh sila naman po kasi ang nauna ma’am. Iniinsulto po nila ako,” baluktot ko pang katwiran.
“Kahit na! Hindi iyon malakas na dahilan upang saktan mo ang mga kaklase mo!”
Tumahimik na lamang ako.
Simula noon, hindi na ako masyadong nakipag-usap sa kanila. Nakaupo na lamang ako sa sulok, nakikiramdam. Ngunit isang araw sa P.E., nagbago ang lahat.
Hindi ko maikakailang dala na ng kapayatan ang kalampahan. Hindi ko kasi natatamaan ang bola ng volleyball. At kung matamaan ko man, hindi naman ayon ang aking paghampas, at sa sobrang lakas, nabuwal ako sa aking pagkakatayo. Akala ko’y pagtatawanan nila ako; pinaghandaan ko na iyon. Ngunit iba ang itinugon nila. Tumakbo silang lahat papunta sa akin at tinulungan akong tumayo habang bumabaha ang mga katagang:
“Bong, ayos ka lang?”
“May masakit ba, Bong?”
“Sorry, Bong, napalakas ang paghampas ko.”
Napawi ang puot na aking naramdaman at napangiti ako sa kanilang reaksyon.
“Ayos lang,” sagot ko.
Simula noo’y naging kaibigan ko na silang lahat. Hindi naman pala sila salbahe, gaya ng alamat naming mga taga-barrio. ‘First impression’ lamang pala ang dinibdib ko na hindi naman dapat seryosohin.
“Gusto mo ng tinapay?” alok ng isa.
Ako’y napatitig. Sumagi sa aking isip ang isang alaalang unang nagmulat sa akin na hindi tama ang panghuhusga. Si Kalis at ang dalawang supot niyang tinapay.
Nabura sa isip ko ang kasabihang ‘first impressions last’. Dapat ay bukas ang aking isip sa pagbabago sa aking paligid.
‘Di naglaon ay nawala rin sa isip ko iyon, ngunit muling ipinaalala ng isa pang mahalagang eksena sa aking buhay.
May kabataan pa si Nanay nang mawala si Tatay. Paminsan-minsan ay may bumibisitang lalaki sa bahay. Tutol kami roon, lalo na si kuya. Nagbago na ang pakikitungo namin kay Nanay. Minsan isang gabi, nag-abot ang tigre at ang buwaya.
“Hindi niyo ba maintindihan na patay na ang tatay ninyo?” himutok ni Nanay sa kumukontrang si Kuya.
“Pero asawa mo pa rin si Tatay! Dapat hindi niyo kinakalimutan ang pinagsumpaan ninyo sa Diyos!” sagot ni kuya.
Tahimik lamang kami ni ate sa sulok habang pinagmamasdan ang pagtatalo.
“Kailanman, hinding-hindi ninyo ako maitatali sa patay na!”
Nagsimula na siyang humagulgol ng iyak habang pinangangatwiranan at dinuduro ni kuya.“Kung puwede lang na ako na lamang ang namatay, gugustuhin ko para hindi niyo na ako dinidiktahan ng ganito! Lalo na ng sarili ko pang mga anak!”
Tumulo na rin ang mga luha ni kuya na alam kong naantig din sa mga sinabi ni Nanay.
“Lalaki rin kayo, mag-aasawa, magkakaanak at iiwan niyo na ako! Gusto ko lamang naman na pagdating ng araw na iyon ay may makasama ako at hindi ako mag-iisa dahil alam kong nagawa ko na ang tungkulin ko sa inyo.”
Napaluhod si Nanay sa sahig na nanginginig sa sobrang pag-iyak at sama ng loob. Dahan-dahang lumapit si Kuya at niyapos si Nanay ng mahigpit.
“Kung darating man ang araw na iyon, iyon ay kung mamamatay na lamang kami,” sabi ko sa aking sarili.
Matapos ang pagtatalong iyon ay hindi na kami nagtangkang kumontra pa kay Nanay, at kahit hindi ayon sa aming kalooban, sinubukan naming kilalanin ang manliligaw niya. Mabait din naman pala siya at ramdam naming mahal na mahal niya ang nanay. Iba pa rin sana si Tatay ngunit kinakailangan na naming tanggapin na kailanman ay hindi na maibabalik pa ang buhay niya. Sa halip ay ituwid na lamang ang dati’y nabaluktot sa aming pamilya.
Naaalala ko rin muli ang ginawa ko kay Kalis. Naisip kong hindi talaga matatanggal sa akin ang aral na natutunan ko sa kanya, kahit pa hindi niya alam iyon. Sa loob-loob ko’y itinuring ko siyang kaibigan kahit pa matagal ko na siyang hindi nakikita.
Parang kailan lamang ay nakikipagtunggalian pa ako sa mga kaibigan kong nang-insulto sa akin. Parang kailan lamang ay naninibago pa ako sa bago kong komunidad,parang kailan lamang ay balong nag-iisa si Nanay at ngayon pagkalipas ng limang taon, marami na ang mga nangyari at marami na rin akong natutunan, ngunit tanging isa lamang ang tumatak sa akin, at marahil ay may isa pa nang hapong iyon.
Pagkagaling ng eskwela ay naroon ako sa Calle Ausan. Doon ako tumatambay ‘pag pagod sa pag-aaral. Nang hapong ‘yon, naupo ako sa tabi ng daan habang nagmumuni-muni at nilalasap ang masarap na haplos ng hangin. Hindi pa nagtatagal ay may nagsidatingang grupo ng mga bata. Nagsisigawan sila na para bang takot sa paparating.
“Si Kalis! Si Kalis!”
Napatayo ako. Tama ba? Narito pa rin si Kalis?
Narito nga sapagkat sa di kalayuan ay tumambad na ang uugod-ugod niyang katawan. Mas gusgusin na siya ngayon at naroon pa rin ang kanyang sako na nakakapit sa kanyang likuran. Papalapit na siya at ang mga bata ay nawala na. Galit na naman si Kalis, marahil ay tinukso na naman ito ng “sako.” Nanlilisik ang kanyang mga mata ngunit wala akong naramdamang takot. Sa halip ay lubos na pagkaawa. Dapat ay nirerespeto siya ng mga bata dahil sa kanyang katandaan. Ngunit naiintindihan ko kung bakit hindi nangyayari iyon. Ang kanilang mga magulang ay mismong kasama sa mga nagmamaltrato minsan kay Kalis. At sino ba naman ang lalapit at tutulong sa isang baliw? Marahil ako na.
Nakita niya ako, ibinaling niya ang kanyang mga titig sa akin. Mukhang galit nga at akma pang babatuhin ako ng napakalaking bato. Pero may kung anong pumipigil sa aking tumakbo palayo. Dumukot ako ng kendi sa aking bulsa at dahan-dahang iniabot ito sa kanya. Tinitigan niya ito ngunit wala akong napansing bahid ng pagkatuwa. Saka ko na naramdaman ang kaba nang mapansin kong napakalapit na namin sa isa’t-isa. Tahimik ang buong kalye. Itinaas ni Kalis ang kanyang kamay at marahang kinuha ang kendi. Natuwa naman ako sa kanyang ginawa ngunit walang anu-ano’y inihampas niya sa aking ulo ang bato niyang hawak. Wala akong sakit na naramdaman ngunit tumagas ang dugo mula sa aking noo. Napansin ko na lamang na may lumapit na pulis sa amin at dinampot si Kalis. Agad siyang nagpumiglas at nagsisigaw. Nagsilabasan na kaagad ang mga tao nang marinig ang ingay.
“Ilayo niyo na ‘yang baliw na ‘yan!” sigaw ng isang ale.
“Ipatapon niyo na ‘yan sa gubat!”
“Salot ‘yang baliw na ‘yan!”
Nagsisisigaw si Kalis habang isinasakay siya sa sasakyan ng pulisya. Maya-maya’y nagdilim ang lahat. Pumaikot-ikot ang aking paningin habang patuloy na tumatagas ang dugo. Katahimikan.
Nagising na lamang ako sa ospital. Naroon na si Nanay, kuya at ate na mukhang alalang-alala sa akin. Kumikirot pa ang aking noo dahil sa sugat na tinamo ko kay Kalis. Gayon pa man, wala akong naramdamang galit sa kanya. Tanging pag-unawa ang kailangan.
Paglabas ko ng ospital ay narinig kong ipinatapon na pala si Kalis palabas ng bayan. Hindi man tiyak kung nasaan na siya, may nakapagsabing huli daw siyang namataan sa kagubatan sa dulo na ng bayan. Sana pala ay tumakbo na lamang ako nang hindi na siya napalayas pa. Naisip kong kasalanan ko rin ang nangyari kay Kalis. Ngunit sana ay hindi naging ganoon ang naging reaksiyon ng mga tao. Nanlumo ako sa mga taong dapat sana’y naawa at umunawa sa kanyang kalagayan.
Simula noon ay wala na akong narinig pa tungkol kay Kalis. Ipinagdarasal ko na lamang na sana ay maayos ang kanyang lagay. Sinong mag-aakalang sa ikatlong pagkakataon ay magkikita ulit kami? Sinong mag-aakala?
Mahilig ako sa magagandang tanawin kaya tuwing dapit-hapon, sumasama ako sa kaibigan kong si Apang na isang sakristan upang patunugin ang kampana para sa orasyon. Sa kampanaryo ay tanaw ang paglubog ng araw.
Masaya na kaming paakyat noong hapong iyon. Pinayagan ako ni Father Lito na patunugin ang kampana. Nagpaunahan pa kami ni Apang na umakyat sa makitid na hagdan. Pagdating sa taas, natanaw ko ang pagdating ng isang kotse ng pulis.
“Apang, may pulis sa baba. Anong meron?” tanong ko.
Dumungaw din si Apang at nagsabi nang may pagtataka,”Hindi ko rin alam. Sarado na ang simbahan eh.”
“Wala pa namang alas sais, bumaba muna tayo, tingnan natin,” mungkahi ko.
Paglabas ng kampanaryo ay humangos kami papasok ng simbahan. Sa altar ng lumang gusali ay may maliit na kumpol ng mga tao at dalawang pulis na mahinang nagbubulungan at nag-uusap. Sa dulo naroon si Father Lito na animo’y may dinadasalan. Tinungo namin sila. Sa paanan ng altar ay may isang maliit na sako na pinag-aalayan niya ng dasal.
“Kuya, anung meron sa sako?” tanong ni Apang sa mamang pulis.
“Tao ‘yan. Nakuha sa Bilinan, ilang araw na pala doon,” sagot ng pulis.
“Naagnas na? Sino raw?”
“Siyempre. Noong inabutan namin, pinagpipiyestahan na ng mga unggoy. Nadulas daw yata malapit sa may talon ng Bilinan. Ayun, nabagok ang ulo at walang sumaklolo. Gubat kasi.”
“Alam niyo po ba kung sino siya?” tanong ko.
“’Yung baliw daw. Calixto yata ang pangalan.”
Biglang may sumabog sa aking dibdib. Tumingin ako sa sako sa altar. Mabilis na tumulo ang aking luha na animo’y bubuhos ng napakalakas. Umalis ako sa pagkukumpulan pabalik sa kampanaryo, at sa aking pagpanhik, nagsimula na akong humagulgol.
Wala na pala ang kaibigan kong si Kalis. Si Kalis na unang nagturo sa akin ng kahalagahan ng pag-unawa at malalim na pagkilala sa iba. Si Kalis na nagpahalaga sa munting tulong na aming ibinigay sa kabila ng kanyang kapansanan. Si Kalis, wala na.
Nagpatuloy ang aking pagtangis paakyat sa lumang kampanaryo. Naisip ko ang aral na ibinahagi niya sa aking buhay. Naalala ko ang pagturing niya sa akin bilang apo kahit noong una’y labis ang takot ko sa kanya. Naisip ko ang mga nanghamak sa kanya, ang mga hindi umintindi at nanghusga. Mukhang napakasaklap na ang miserable niyang buhay ay biglang nagtapos sa isang miserableng kamatayan. Tinulungan ko na lamang sana siya, ngunit alam kong wala akong magagawa. Sana ay naiintindihan iyon ni Kalis. Pilit kong pinigilan ang pag-iyak habang inaabot ang makapal na lubid ng kampana. Hinila ko ito ng buong-lakas at umugong sa buong kabayanan ang tunog nitong para sa patay. Tinangay-tangay ng hangin ang himig nitong nananaghoy sa pagkawala ni Kalis.
“Bakit ang sama ng mukha mo?” tanong ni Apang na kaaakyat lamang.
Pinahiran ko ang nanunuyong luha ng aking damit at nagwika.
“Ah wala. May naalala lang ako.”
Sabay dungaw sa veranda at pinagmasdan ang paligid. Nagdidilim na ang langit. Sa di kalayuan, lumubog na ang haring araw. Sana sa paglubog nito, dala niya ang katahimikan ng aking kaibigan.
Once Again, thanks to my firend JP!
My sketchpad works once again with some vague and unique designs. Here they are:
This one is one of my favorites in my sketchpad. I call this, “the LOBSTER”.
I still can’t decide whether it make this a house or a restaurant. What do you think?
“Bong! Bong!”
Bigla akong nagising, may umuuga sa akin at dahan-dahan akong bumangon.
“Ano ‘yon Ate Ver?” tanong ko sa kasambahay naming si Ate Veronica.
“Ang tatay mo, narito na!”
“Talaga? Nasaan siya?” nananabik kong tanong.
Marahil dala ng kabataan kaya’t hindi ko masyadong naintindihan kung bakit umuwi na si Tatay. Narinig ko ang ugong ng sasakyan sa labas kaya dali-dali akong bumangon at tumakbo palabas. Nasa pinto na si kuya at ate at nang marating ko’y sumalubong sa akin si Lolang naghihinagpis habang kasunod niya ang isang ataul na tangan-tangan nina Lolo at Tito Emi. Sa likuran nama’y ang humahagulgol na si Nanay na bakas sa mukha ang matinding pagkapagod at panghihina. Lumapit siya sa amin ni kuya at ate at niyapos kami ng pagkahigpit-higpit.
“Ang tatay niyo, ang tatay niyo!” tangi niyang nasambit.
“’Nak, ipatanggal mo nga ‘yang goldfish sa dextrose ko. Ayan oh, lumalangoy pa,” utos niya.
Napatingin ako kay Nanay na noo’y nasa sulok ng kuwarto at nagtitimpla ng kape. Nakangiti siya sa akin at natawa na lamang ako kay Tatay habang siya nama’y kumbinsidong may lumalangoy na isda sa loob ng kanyang dextrose. Iyon na siguro ang huling sandaling nagkatawanan kaming magpamilya, ngayo’y pagdadalamhati na.
Puno ng pagtangis ang buong bahay nang mga oras na iyon. Hindi ko na nararamdaman ang lamig ng madaling-araw. Si Nanay ay nakaupo lamang sa tabi ng kabaong at nakatitig sa walang buhay na mukha ni Tatay. Maya-maya pa’y;
“Buhay siya! Buhay siya!” sigaw ni Nanay, “Lumuluha pa siya!”
Dumungaw naman si Tito ngunit ‘di kumbinsidong buhay pa nga si Tatay.
“’Di na siya aabot Ate, kahit ibalik pa natin ang life support , wala na tayong magagawa.”
Muling lumakas ang paghagulgol ni Nanay at ‘di nagtagal ang sumunod na rin kaming lahat. Wala na nga si Tatay.
Kinatatakutan sa amin si Kalis sapagkat nagiging violente ito sa tuwing tinutukso nila ng “sako.” Noon daw kasi, pinagbintangan siyang naghulog ng bata sa tulay na inilagay niya sa sako kaya sa tuwing maririnig niya ang panunuksong iyon, dumadampot siya ng bato at pinagbababato ang lahat ng makita niya. Kaya naman sa tuwing magdaraan siya sa amin, dali-dali kaming nagtatago.
Halos hindi ako pumasok ng bahay ng malaman kong dumating pala si Kalis. Dahil na rin siguro sa mura kong edad kaya ganoon na lamang ang takot ko sa baliw. Sa katunayan, hindi lamang naman ako, halos lahat marahil ng mga bata sa lugar namin ay takot sa kanya. Nang makita ko si Kalis ay lubhang nakakagimbal ang kanyang itsura. Sabayan pa ng kulu-kulubot niyang mukha at gula-gulanit na damit. Doon pa naman siya pumuwesto sa may sulok na malapit sa pintuan habang nagsasalita nang mag-isa.
“Hindi naman ‘yan nang-aano kung hindi rin tinutukso,” paliwanag ni Lola.
Ayaw ko siyang paniwalaan. Mahirap magtiwala sa baliw lalo na kung may mga bali-balitang nananakit pa ito. Sabi ng mga kaibigan ko, nagiging violente nga raw si Kalis sa halos lahat ng lamay na kanyang dinaluhan. Palagi raw itong nagwawala at pinagbubuwal ang mga bangko at lamesa ng mga pasugalan.
“Noong lamay nga ni Tiyo Antonio, tinapon niya yung pagkaing binigay ni Mama sa kanya at pinagbabato sa kabaong ni Tiyo ang mga pitsa ng majong,” kuwento ng isa kong kaibigan. Kaya naman, labis ang pangamba kong manggulo rin siya sa lamay ni Tatay, ayaw na ayaw kong mangyari iyon.
“Bakit ba hindi na lamang natin siya paalisin dito?” tanong ko kay Nanay isang araw.
“Hindi ganoon kadali ‘yon. Babalik pa rin ‘yan dito. Isa pa, kung paaalisin siya, saan naman dadalhin eh wala nang pamilya ‘yan.” Tugon niya.
“At tsaka tradisyon na rin si Kalis sa halos lahat ng lamay dito,” dagdag niya.
Ilang araw na ang nakalipas at sa awa ng Diyos, hindi pa naman nanggugulo si Kalis. Sa tuwing nagdaraan ako sa tapat niya, halos tumakbo ako sa takot na baka bigla niya akong sugurin. Minsan nama’y hindi na ako dumadaan sa pintong iyon kundi sa kusina sa likod-bahay para maiwasan ng nakakatakot na baliw.
Maaga pa nung linggo’y gising na ang buong bahay upang magsimba. Ito ang unang beses naming magsimbang nagdadalamhati. Dati-rati’y buo kaming mag-anak na tumutungo sa simbahan at nagmamano kay Fr. Pio at paglabas ay namamakyaw ng paborito naming bibingka. Gising na rin si Kalis nang oras na iyon at mahinang kinakausap ang sarili sa kanyang upuan. Narinig kong umaandar na ang aming sasakyan kaya’t hindi ko na nagawa pang dumaan sa kusina. Hindi ko na naisip ang pagdaan sa tapat ni Kalis dahil sa labis kong pagmamadali.
“Hintayin niyo ako!” malakas kong sigaw.
Maaabot ko na sana ang pinto nang biglang may humablot ng aking braso. Lumingon ako at nakitang kamay ni Kalis ang pumipigil sa akin. Biglang lumundag sa takot ang aking puso. Bigla niya akong ginapos ng pagkahigpit-higpit. Pilit akong nagpumiglas ngunit hindi kaya ng maliit kong katawan. Naaamoy ko ang amoy-matanda niyang katawan at mabahong hininga. Sumigaw ako ng napakalakas upang masaklolohan ngunit biglang nagsalita sa Kalis.
“Ay ang apo kong ito,” wika niya sabay ngiti sa akin.
Nabigla ako sa inasal niyang iyon kaya’t hindi na ako pumalag pa. Pagkunwa’y dumating na rin si Lola at nakita ang ginagawa sa akin ni Kalis. Napangiti na lamang siya at sumunod naman ang baliw. Naiilang man ay pinilit kong makingiti na rin habang niyayakap at inaalo ng baliw.
Dahil sa pangyayaring iyon, biglang nagbago ang pagtingin ko kay Kalis. Nawala na ang dati’y matinding takot ko sa kanya. Hindi na rin ako dumadaan sa kusina kundi doon na mismo sa harap niya sabay bati sa kanya kahit pa hindi niya naiintindihan ang mga sinasabi ko. Tahimik lamang siyang nakaupo sa sulok.
Nang mailibing na si Tatay, umalis na rin si Kalis. Marahil ay magpapalaboy-laboy na naman siya sa daan o kaya’y nasa ibang lamay na naman. Naisip ko tuloy, pinapakain kaya siya doon? May bata rin kaya siyang niyayakap at itinuturing na apo? Lubusan ang aking pagkabagabag dahil para sa kanyang kalagayan, hindi sa kung saan-saan ang dapat niyang kahantungan.
‘Di pa nag-iisang linggo simula nang mailibing si Tatay ay bumalik si Kalis sa bahay. Takang-taka kami noong araw na iyon.
“Nonoy Kalis, wala nang patay dito. Inilibing na,” paliwanag ni Lola.
Hindi kumibo si Kalis. Sa halip, binuksan niya ang maliit niyang sako na marahil ay tangan-tangan niya sa lahat ng kanyang paglalakbay at naglabas ng dalawang supot na tinapay. Pailing-iling niya itong iniabot sa amin ni kuya at agad na umalis na nag-iwan ng ngiti sa aming mga labi.
Simula noo’y hindi ko na nakita pa si Kalis. At dahil sa wala na si Tatay, napilitan kaming lumipat sa mas maliit na bahay sa bayan. Inilipat na rin ako ni Nanay sa Pandan Central School nang papasok ako ng Grade 5 kung saan karamihan ay mga matatalino. Kaya nga ganoon na lamang ang panenermon niya sa akin nang matanggal ako sa honor list. Dahil din sa panibago kong komunidad, ‘di ko maiwasang bumukod sa mga bago kong kaklase. Minsan nga, narinig kong pinag-uusapan nila ako.
`’Sino ba ‘yung bagong lipat?” tanong ng isa.
“Taga-barrio raw ‘yon. Ang payat no?”
“Baka hindi pinapakain ng nanay niya,” sabi naman ng isa sabay tawa.
Biglang uminit ang aking ulo, para bang nagliliyab ako sa galit at sama ng loob dahil sa mga pangangantiyaw nila. Dahan-dahan akong lumabas sa aking pinagtataguan. Napatingin sila sa akin na halatang nag-iisip kung narinig ko ba ang pinag-usapan nila. Nagdilim ang aking paningin at hindi ko na namalayan ang aking ginawa. Tanging ang mga sigawan na lamang nila ang aking naulinigan at mga kalmot ng mga babae kong kaklase ang naramdaman ko. Huli na nang mapansin kong nasaktan ko na pala sila at mas huli na nang malaman ko ang aking kamalian nang tumambad na sa akin ang napakalaking mukha ng principal.
“Hindi ka na rumespeto! Mga babaeng walang kalaban-laban, pinagsasaktan mo!” sermon niya.
“Eh sila naman po kasi ang nauna ma’am. Iniinsulto po nila ako,” pilit kong pangatwiran.
“Kahit na! Hindi iyon malakas na dahilan upang saktan mo ang mga kaklase mo!”
Tumahimik na lamang ako.
Kinahapunan, napawi na rin ang galit na aking naramdaman, ngunit naroon pa rin ang pagkadismaya ko sa mga kaklase ko. Akala ko dati, tutulungan nila akong mag-adopt sa bago kong kapaligiran ngunit dahil sa nangyari, naisip kong sila pa marahil ang hihila sa akin pababa. Sabi nga ng mga kaklase ko sa barrio, salbahe raw ang mga taga-bayan.
Salbahe nga.
Hindi ko maikakailang dala na ng kapayatan ang kalampahan. Hindi ko kasi natatamaan ang bola ng volleyball. At kung matamaan ko man, hindi naman ayon ang aking paghampas, at sa sobrang lakas, nabuwal ako sa aking pagkakatayo. Akala ko’y pagtatawanan nila ako, pinaghandaan ko na iyon. Ngunit iba ang itinugon nila. Tumakbo silang lahat papunta sa akin at tinulungan akong tumayo habang bumabaha ang mga katagang:
“Bong ayos ka lang?”
“May masakit ba Bong?”
“Sorry Bong, napalakas ang paghampas ko.”
Napawi ang puot na aking naramdaman at napangiti ako sa kanilang reaksyon.
“Ayos lang,” sagot ko.
Simula noo’y naging kaibigan ko na silang lahat. Hindi rin pala sila salbahe. First Impression lamang pala ang dinibdib ko na hindi naman dapat seryosohin.
“Gusto mo ng tinapay?” alok ng isa,
Tinitigan ko iyon, biglang sumagi sa aking isip ang isang alaalang unang nagmulat sa akin na hindi tama ang panghuhusga. Si Kalis at ang dalawang supot niyang tinapay.
May kabataan pa si Nanay nang mawala si Tatay kaya hindi maiwasang may magkagusto pa sa kanya. Paminsan-minsan ay may bumibisitang lalaki sa bahay. Alam namin kung sino iyon kaya ayaw na ayaw naming pumupunta iyon dito lalo na kay kuya, kaya simula noon ay nagbago na ang pakikitungo namin kay Nanay. Minsan isang gabi, nag-abot ang tigre at ang buwaya.
“Bakit hindi niyo ba maintindihan na patay na ang tatay ninyo?!” himutok ni Nanay sa kumukontrang si Kuya.
“Pero asawa mo pa rin si Tatay! Dapat hindi niyo kinakalimutan ang pinagsumpaan ninyo sa Diyos!” supalpal naman ni kuya.
Tahimik lamang kami ni ate sa sulok habang pinagmamasdan ang pagtatalo.
“Kailanman, hinding-hindi ninyo ako maitatali sa patay na!”
Nagsimula na siyang humagulgol ng iyak habang pinangangatwiranan at dinuduro ni kuya.
“Kung puwede lang na ako na lamang ang namatay, gugustuhin ko para hindi niyo na ako dinidiktahan ng ganito! Lalo na ng sarili ko pang mga anak!”
Tumulo na rin ang mga luha ni kuya na alam kong naantig din sa mga sinabi ni Nanay.
“Lalaki na rin kayo, mag-aasawa, magkakaanak at iiwan niyo na ako! Gusto ko lamang naman na pagdating ng araw na iyon ay may makasama ako at hindi ako mag-iisa dahil alam kong nagawa ko na ang tungkulin ko sa inyo.”
Napaluhod si Nanay sa sahig na nanginginig sa sobrang pag-iyak at sama ng loob. Dahan-dahang lumapit si Kuya at niyapos si Nanay ng mahigpit.
“Kung darating man ang araw na iyon, iyon ay kung mamamatay na lamang kami,” sabi ko sa aking sarili.
Matapos ang pagtatalong iyon ay hindi na kami nagtangkang kumontra pa kay Nanay, at kahit hindi ayon sa aming kalooban, sinubukan naming kilalanin ang manliligaw niya. Mabait din naman pala siya at ramdam naming mahal na mahal niya ang nanay. Iba pa rin sana si Tatay ngunit kinakailangan na naming tanggapin na kailanman ay hindi na maibabalik pa ang buhay niya. Sa halip ay ituwid na lamang ang dati’y nabaluktot sa aming pamilya.
Naaalala ko rin muli ang ginawa ko kay kalis. Naisip kong hindi talaga matatanggal sa akin ang aral na natutunan ko sa kanya, kahit pa hindi niya alam iyon. Sa loob-loob ko’y itinuring ko siyang kaibigan kahit pa matagal ko na siyang hindi nakikita.
Parang kailan lamang ay nakikipagtunggalian pa ako sa mga kaibigan kong nang-insulto sa akin. Parang kailan lamang ay naninibago pa ako sa bago kong komunidad at ngayo’y maglilimang taon na akong naninirahan dito. Marami na ang mga nangyari at marami na rin akong natutunan, ngunit tanging isa lamang ang tumatak sa akin, at marahil ay may isa pa nang hapong iyon.
Kagagaling ko lamang sa eskwelahan nang mapadaan ako sa Calle Ausan, dito kasi ako mahilig tumambay lalo na kung pagod ako sa pag-aaral. Nang hapong ‘yon, naupo ako sa tabi ng daan habang nagmumuni-muni at nilalasap ang masarap ng haplos ng hangin. Hindi pa nagtatagal ay biglang may nagsidatingang grupo ng mga bata. Nagsisigawan sila na para bang takot sa paparating.
“Si Kalis! Si Kalis!” sigaw ng isa.
Napatayo ako sa aking narinig. Tama ba? Narito pa rin si Kalis?
Narito nga sapagkat sa di kalayuan ay tumambad na ang uugod-ugod niyang katawan. Mas gusgusin na siya ngayon at naroon pa rin ang kanyang sako na nakakapit sa kanyang likuran. Papalapit na siya at ang mga bata ay nawala na. Galit na naman si Kalis, marahil ay tinukso na naman ito ng “sako.” Nanlilisik ang kanyang mga mata ngunit wala akong naramdamang takot. Sa halip ay lubos na pagkaawa na dapat ay nirerespeto siya ng mga bata dahil sa kanyang katandaan. Ngunit naiintindihan ko kung bakit hindi nangyayari iyon. Sino ba naman ang lalapit at tutulong sa isang baliw? Marahil ako na.
Nakita niya ako, ibinaling niya ang kanyang mga titig sa akin. Mukhang galit nga at akma pang babatuhin ako ng napakalaking bato. Pero may kung anong pumipigil sa aking tumakbo papalayo. Dumukot ako ng kendi sa aking bulsa at dahan-dahang iniabot ito sa kanya. Tinitigan niya ito ngunit wala akong napansing bahid ng pagkatuwa. Saka ko na naramdaman ang kaba nang mapansin kong napakalapit na namin sa isa’t-isa. Tahimik ang buong kalye. Walang buhay maliban sa aming puno ng tensiyon sa magkaibang paraan. Itinaas ni Kalis ang kanyang kamay at marahang kinuha ang kendi. Natuwa naman ako sa kanyang ginawa ngunit walang anu-ano’y inihampas niya sa aking ulo ang bato niyang hawak. Tumagas ang dugo mula sa aking noo ngunit wala akong sakit na nararamdaman. Napansin ko na lamang na may sumaklolong pulis sa akin at dinampot si Kalis. Agad siyang nagpumiglas at nagsisigaw. Nagsilabasan na kaagad ang mga tao nang marinig ang ingay.
“Ilayo niyo na ‘yang baliw na ‘yan!” sigaw ng isang ale.
“Ipatapon niyo na ‘yan sa gubat!”
“Salot ‘yang baliw na ‘yan!”
Pilit na nagsisigaw si Kalis habang isinasakay siya sa sasakyan ng pulisya. Maya-maya’y nagdilim ang lahat. Pumaikot-ikot ang aking paningin habang patuloy na tumatagas ang dugo. Katahimikan.
Nagising na lamang ako sa ospital. Naroon na si Nanay, kuya at ate na mukhang alalang-alala sa akin. Kumikirot pa ang aking noo dahil sa sugat na tinamo ko kay Kalis. Gayon pa man, wala akong naramdamang galit sa kanya. Tanging pag-unawa ang kailangan.
Paglabas ko ng ospital ay narinig kong ipinatapon na pala si Kalis palabas ng bayan. Hindi man tiyak kung nasaan na siya, may nakapagsabing huli daw siyang namataan sa kagubatan sa dulo na ng bayan. Sana pala ay tumakbo na lamang ako nang hindi na siya napalayas pa. Naisip kong kasalanan ko rin ang nangyari kay Kalis. Ngunit sana ay hindi naging ganoon ang naging reaksiyon ng mga tao. Nanlumo ako sa mga taong dapat sana’y magmamahal at uunawa sa kanyang kalagayan.
Simula noon ay wala na akong narinig pa tungkol kay Kalis. Ipinagdarasal ko na lamang na sana ay maayos ang kanyang lagay sa araw-araw na naiisip ko ang aking kaibigan. Ngunit sinong mag-aakalang sa ikatlong pagkakataon ay magkikita ulit kami. Sinong mag-aakala?
Mahilig ako sa magagandang tanawin kaya tuwing dapit-hapon, sumasama ako sa kaibigan kong si Apang na isang sakristan upang patunugin ang kampana para sa orasyon at umakyat sa kampanaryo upang matanaw ko ang paglubog ng araw.
Masaya na kaming paakyat noong hapong iyon dahil pinayagan ako ni Father Lito na patunugin ang kampana. Nagpaunahan pa kami ni Apang na umakyat sa makitid na hagdan nang matanaw ko sa ibaba ang pagdating ng isang kotse ng pulis.
“Apang, may pulis sa baba. Anong meron?” tanong ko.
Dumungaw din si Apang at nagsabi nang may pagtataka.
“Hindi ko rin alam. Sarado na ang simbahan eh.”
“Wala pa namang alas sais, bumaba muna tayo, tingnan natin,” mungkahi ko.
Dali-dali kaming bumaba upang makiusyoso sa mga nangyayari sa ibaba. Paglabas ko ng kampanaryo ay humangos kami papasok ng simbahan. Sa altar ng lumang gusali ay may maliit na kumpol ng mga tao at dalawang pulis na mahinang nagbubulungan at nag-uusap. Sa dulo ay naroon si Father Lito na animo’y may dinadasalan. Tinungo namin iyon at nakiusyoso na rin. Sa paanan ng altar ay may isang maliit na sako na pinag-aalayan niya ng dasal.
“Kuya, anung meron sa sako?” tanong ni Apang sa mamang pulis.
“Tao ‘yan. Nakuha sa Bilinan, ilang araw na pala doon,” sagot ng pulis.
“Naagnas na?” Sino raw?’
“Siyempre. Noong inabutan namin, pinagpipiyestahan na ng mga unggoy. Nadulas daw yata malapit sa may talon ng Bilinan. Ayun, nabagok ang ulo at walang sumaklolo. Gubat kasi.”
“Alam niyo po ba kung sino siya?” tanong ko.
“’Yung baliw daw. Calixto yata ang pangalan.”
Biglang may sumabog sa aking dibdib. Tumingin ako sa sako sa altar. Mabilis na tumulo ang aking luha na animo’y bubuhos ng napakalakas. Umalis ako sa pagkukumpulan pabalik sa kampanaryo, at sa aking pagpanhik, nagsimula na akong humagulgol.
Wala na pala ang kaibigan kong si Kalis. Si Kalis na unang nagturo sa akin ng kahalagahan ng pag-unawa at malalim na pagkilala sa iba. Si Kalis na nagpahalaga sa munting tulong na aming ibinigay sa kabila ng kanyang kapansanan. Si Kalis, wala na.
Nagpatuloy ang aking pagtangis paakyat sa lumang kampanaryo. Naisip ko ang aral na ibinahagi niya sa aking buhay. Naalala ko ang pagturing niya sa akin bilang apo kahit noong una’y labis ang takot ko sa kanya. Naisip ko ang mga nanghamak sa kanya, ang mga hindi umintindi at nanghusga. Mukhang napakasaklap na ang miserable niyang buhay ay biglang nagtapos sa isang miserableng kamatayan. Tinulungan ko na lamang sana siya, ngunit alam kong wala akong magagawa. Sana ay naiintindihan iyon ni Kalis. Pilit kong pinigilan ang pag-iyak habang inaabot ang makapal na lubid ng kampana. Hinila ko ito ng buong-lakas at umugong sa buong kabayanan ang tunog nitong para sa patay. Tinangay-tangay ng hangin ang himig nitong nananaghoy sa pagkawala ni Kalis.
“Bakit ang sama ng mukha mo?” tanong ni Apang na kaaakyat lamang.
Pinahiran ko ang nanunuyong luha ng aking damit at nagwika.
“Ah wala. May naalala lang ako.”





